Thursday, August 18, 2011

Ang Pagninilay at Pag-alala ng isang Batang Batibot


Isa ako sa mga batang napasaya at napalaki ng mga aral ng Batibot. Ang Batibot: ang tambayan ng isang pagong na nagngangalang Pong at ang matsing na si Kiko, at ng kanilang mga pinakamamahal na kaibigan, kasama na sina Kuya Bodjie, Ate Shena, Kuya Mario, Kuya Dwight, Ate Isay, Kuya Ching, at marami pang iba. Sa huli ko na lamang nalaman na ang Batibot pala ay iyong mistulang silyang nakabakod sa puno sa gitna ng palaruan.

Bagamat ito’y hango sa palabas sa Amerika na Sesame Street, naituro ng Batibot ang kultura at aral Pilipino. Hindi natin maitatanggi na malaki ang naitulong ng palabas na Batibot sa mga batang manonood, hindi lamang sa larangan ng panitikan at sining na Pilipino, kundi pati na rin sa pang-araw-araw na buhay. Siguro’y sasang-ayon sa akin ang mga kapwa ko batang Batibot na hanggang ngayon ay hindi namin nakakalimutan ang mga ginintuang aral na itinuro ng palabas nito sa pamamagitan ng tula, kanta, at kuwento. Hayaan niyong magbanggit ako ng ilan sa mga hindi ko malilimutang bahagi ng Batibot:

1. Isda-da-da, isda – Sa kantang ito, tinuri sa atin ng Batibot ang bawat parte ng isang isda. Palikpik, taliptip, kaliskis, ang ilan lamang sa malalalim na salitang Pilipino na madali mo nang maituturo sa pakikinig at panonood lamang ng kantang ito. “Anong hayop ka ba? Sa tubig nakatira? May palikpik, dalawang mata, walang kamay, walang paa?

2. Balut, penoy – Sino ba naman ang makakalimot kung paano ginagawa ang balut sa Pateros? Eto ang isang yugto ng Batibot na kung saan ang “music video” ay mala-Ating Alamin ni Ka Gerry Geronimo ang dating, na kung saan sinusundan ng camera and mga itlog ng itik mulang pagkuha hanggang pagiging balut, na may background music na kinanta ng batikang mangangantang si Sylvia La Torre. “Balut, penoy, balut, bili na kayo ng itlog na balut…”

3. Mga Kuwento ni Kuya Bodjie: (Ang pamilya Ismid) – Ito ay isang kuwentong ibinahagi ni Kuya Bodjie sa isa sa kanyang mga pagkukuwento. Ang Pamilya Ismid ay isang pamilya ng mga Baboy na matapobre at hindi mahilig makipagkapwa-tao (este baboy). Ang nais lamang nila ay manatili sa bahay at pagandahin ang kanilang nagkukulutang mga buntot. Nang minsang nagkaroon ng sakuna sa kanilang baryo, nasunugan ang pamilya Ismid at doon nila natutunan kung paano makipagkapwa tao. Napakasimpleng kuwento na may ginintuang aral.

4. Ako ang kapitbahay, kapitbahay niyo – Isa na naming kantang mananatili sa iyong isipan kahit ilang oras matapos ang segment na ito sa Batibot. Ipinapakilala ditto ng Batibot ang iba’t ibang tao sa paligid ng inyong komunidad: Pulis, Metro Aide (noong panahon na wala pang MMDA), Karpintero, Tubero, Magtataho, Panadero, at kung anu-ano pa. Magpapakita ng kung anu-anong mga bagay na gamit ng taong ito upang lalo mo siyang makilala. Halimbawa sa Pulis, papakita isa-isa ang kanyang tsapa, silbato, batuta, sombrero. Para makilala mong pulis siya. “Kilala niyo ako, kilala niyo ako, ako’y isa sa kapitbahay kapitbahay ninyo!!!”

5. Pagsama-samahin ang pare-pareho – Isang simple ngunit praktikal na aral na ating nakuha sa Batibot: Ang magkakapareho, pagsamahin. Sa lahat ng bagay magagamit mo yan, hindi lang sa paglalaba o sa pagsasalansan ng gamit sa mga bodega. “Ang magkakatulad ay ating igrupo. Kay saying libangan, kay daling gawin.”

6. Tinapang bangus – Isa na namang segment sa Batibot na hinding hindi ko makalimutan. Pinakita ng Batibot sa kanilang Music Video ang paggawa ng Tinapang Bangus, at kung paano pagsaluhan itong ng mga pamilya Pilipino. Matapos ang kantang ito ay mapapabili ka talaga ng tinapang bangus sa palengke. “Tinapang bangus, tinapang bangus, masarap at masustansya.”

7. Sitsiritsit, Alibangbang – Ang magbarkadang alien na sina Sitsiritsit at Alibangbang at ang kanilang nakakahawang pagpasok sa eksena ay walang tigil na humahanap ng mga bagong kaalaman sa mundo ng mga tao. “Sitsiritsit, Alibangbang (repeat 3x).”

8. Ang bakang si Puti – Alagang alaga naming si Puti. Yan ang awit ng ilang mga batang may kaibigang baka na nagbibigay sa kanila ng tuwa’t saya. Isa na naman sa mga kantang Batibot na nagbibigay aliw at tuwa

9. Perlas na bilog, wag tutulog tulog, sabihin agad sa kin ang sagot. Ba be bi bo bu! – Sabay iilaw ang bolang Kristal ni Manang Bola at masasagot ang katanungan ng bawat batang lumalapit sa kanya. Ang kakaibang malumanay na boses ni Manag Bola ay nakatatak sa aking isipan hanggang ngayon.

10. Teatro bulilit – Ang segment na ito ay madalas kong gayahin noong ako’y bata. Nagdodrawing ako ng mukha sa aking daliri at gagawa ng kuwento at mayroon na akong munting puppet show. Napakagaling na konsepto ng pang-aliw sa mga kabataan. Sa mumunting mga daliri, marami ang natuwa sa kuwento hinahatid nila.

At paminsan-minsan, may ilang mga segment ang Batibot na nagpapakita sa ilang mga katha n gating mga kapatid na Pilipino sa iba’t ibang parte ng mundo. Halimbawa’y ang paggawa ng basket na rattan, at kung anu-ano pa…

Sinong batang Batibot nga ba ang makakalimot sa ganitong mga eksena? Isa sa mga kagalingan ng palabas na ito ay ang pagkiliti sa damdamin ng bawat batang Pilipino. Ito ay nagagawa nila sa tulong na rin ng mga tauhan at mga puppet na kumakatawan sa bawat kakatwa, minsan ay nakakainis na katangian ng mga Pilipino. Sa mga tauhang ito, may ilan din akong paborito:

1. Irma Daldal at Direk – Sinong batang Batibot ang makakalimot sa batikang aktres na palaging nagkakamali sa eksena, na kung saan sumisigaw si Direk ng “CUT!” sa bawat maling katagang sambitin ni Irma? Ipinapakita ng eksenang ito ang pagmamahal ng Pilipino sa sining ng pinilakang tabing at ang pagkahumaling natin sa mga artista. Kaya’t si Irma ang kumakatawan sa mga taong ito, na kahit ilang ulit magkamali ay minamahal ng masa.

2. Ate Ningning at Gingging – Paggalang sa kapatid ang aral na dinudulot ng magkalarong magkapatid na ito. Sa bawat suliraning kaharapin ng dalawa ay palaging nakahahanap sila ng solusyon. Ipinapakitang halimbawa ito ng dakilang pagmamahalan ng magkapatid.

3. Manang Bola – Paggalang sa matatanda ang nasi ipakita sa mga eksenang kasama si Manang Bola. Sa tuwing kokonsulta si Manang Bola sa kanyang Bolang Kristal tiyak may kasagutan siya sa bawat batang magtatanong sa kanya.

4. Kapitan Basa – Ang sikat na superhero ng Batibot, ang pangunahing misyon ni Kapitan Basa ay hikayatin ang mga bata na magbasa nang lumawak ang kanilang kaalaman.

5. Pong Pagong – Ang palaging matanong na si Pong ay ang simbolo ng isang batang pilit tinutuklas ang kanyang kapaligiran. Sa tuwing may bago siyang natututunan maririnig natin ang tunog ng kanyang pagkasabik: Wheeeeeeee!

6. Kiko Matsing – Ang makulit na si Kiko ay ang simbolo ng isang batang mapaglaro. Makulit, matanong, masayahin, tulad ng isang batang masayang sinasamsam ang kanyang kabataan.

7. Kuya Mario – Sino ba ang makakalimot sa mababang tono ng boses ni Kuya Maryo na isang jeepney driver, isang matalinong Jeepney driver. At mahilig kumanta. :)

8. Ate Isay – ang tagapagpayo ni Kiko at Pong, si Ate Isay na palaging binibiyayaan ng himig ang dalawa

9. Ate Shena – Ang isa sa mga pangunahing tauhan ng Batibot, si Ate Shena ang tagapagpayo at tagakuwento sa mga batang Batibot. Hanggang ngayon sa tuwing nakikita ko siya sa ilang mga pagkakataon ay hindi ko maiwasang mapasabi ng “uy si Ate Shena!” Ang ate ng bawat batang Batibot.

10. Kuya Bodjie – Ang pinakatumatak na kuya sa lahat. Ang tagapagpayo, tagakuwento, tagalathala, at voice over na rin ng Batibot. Isa siyang alamat para sa ming mga batang Batibot. Hindi hindi naming makakalimutan ang mga kuwento niya. Ako, hindi ko malilimutan ang kuwento niya tungkol sa pamilya Ismid.

Ilan lamang ito sa mga tumatak sa aking kaisipan nung ako’y bata pa. Masasabi kong bilang isang batang Batibot, malaki ang naitulong ng palabas na ito sa akin sa paghubog ng aking kaisipan bilang isang Pilipino. Nakalulungkot isipin na wala nang palabas na katulad nito sa Pilipinas. Ito ay dahil mas gusto ng mga network na Pilipino na kumita ng malaki kaysa tumulong sa pagpapalago ng kaisipan ng kabataan. Hindi kasi bumebenta ang palabas na pambata, at hindi pinapanood kung ito’y hindi telenovela o nagpapamigay ng pera. Nakalulungkot namang talaga.

Oras na siguro upang ibalik ang mga palabas na tulad ito nang hindi naman lumaki ang mga kabataan Pilipino na walang ibang alam kundi kantahin ang mga awitin ni Willie Revillame na madalas ay walang katuturan o hindi kinapupulutan ng aral. Panahon na upang tumulong ang Philippine media sa pagsulong ng mas malalim na kaisipan ng kabataang Pilipino. Panahon na upang magkaroon ng mga palabas na may katuturan… GMA, ABS-CBN, kayo ang pag-asa namin. Utang na loob, pahingi naman po ng mga palabas na may katuturan sa mga kabataan Pilipino! Aking nabalitaan na sinubukang buhaying ng TV-5 ang Batibot. Nawa'y mapalawig pa ang palabas na ito!

Ako po ay batang Batibot. Pinalaki ako ng mga kanta at kuwento nito at masasabi kong ito ay nakatulong sa aking paglaking maliksi at masigla…

Malamang ikaw din ay may paboritong parte ng Batibot. Maaaring magbahagi sa pamamagitan ng pagkomento. :)

Mabuhay!

“Pagmulat ng mata, langit nakatawa sa Batibot.."

No comments :