Thursday, October 11, 2007

Revisiting Wanbol University

Maraming salamat kay Jay Taruc para sa napakasayang palatuntunang I-Witness noong Lunes, Oktubre 8, 2007. Itinampok niya ang sitcom na talaga nga namang malaki ang naiambag sa kosepto ng katatawanan sa industriya ng telebisyon: Ang Iskul Bukol!!!

Panalo talaga sina Tito at Joey Escalera, at si Victorio Ungasis, na ginampanan ng wala nang iba kundi sina Tito, Vic at Joey. Kasama ang ilang mga cast na sina Tonette Macho, Bibeth Orteza, Mely Tagasa, Direk Bert de Leon, Producer Boy Gatuz at ilan pang mga hiningan ng panayam, mulilng binuhay ni Jay Taruc ang makulay na palatuntunan na uminog sa paaralang Wanbol University. Malamang naman ay walang lalaban sa akin kung sinabi kong sila ang isa sa mga nag-"revolutionize" ng situational comedy sa Pilipinas, kaalinsabay ng John en Marsha.

Isa pa, malaki ang naging epekto ng palabas na ito sa tunay na buhay ng mga paaralan sa Pilipinas. Sa aking sariling karanasan, nagkaroon ng panahon na ang pang-asar naming mga bata sa maitim na mama sa mga kanto ay "Mang Temi." Maging ang mga katagang "putok" at "topak" na madalas nating gamitin ay impluwensya pala ng palabas na ito. Astig. :)

Para lang hindi ko makalimutan, isusulat ko dito ang mga binigay na trivia ni Jay Taruc sa I-Witness (harinawa'y maalala ko lahat):

1. Ang Lapis sa logo ng Iskul Bukol ay may numero 13 sa halip na 1, o 2 sa kadahilanang sa Channel 13 nila ipinapalabas ang programa.

2. Ang unang pangalan ni Ms. Tapia ay Liwayway.

3. Ang mga salitang "putok" at "topak" ay unang nabigkas sa sitcom na ito.

4. Ang Escalera na ginamit na apelyido nina Tito at Joey ay hango sa paborito nilang pampalipas oras sa tuwing taping: Mahjong.

5. Debut sitcom ni Vic Sotto ang Iskul Bukol. Siya ay 22 taong gulang, habang si Tito ay 29, at si Joey ay 31.

6. Nakuha nina Tito at Joey Escalera ang konsepto ng pagsuot ng letrang T at J na initials ng pangalan nila sa komiks na Archie. Madalas din nila itong suot dahil tamad din silang maglaba.

Siguro trivia din ang mga ito pero hindi binanggit bilang trivia sa episode ng I-witness:

1. Si Dely Atay-Atayan ang gumanap na nanay ni Vic Ungasis.

2. Lumabas rin sa sitcom na ito ang mga batikang mang-aawit at artistang sina Joey Albert, Helen Gamboa, at Sharon Cuneta.

Maasabi ko talagang isa akong masugid na tagahanga ng TVJ. :)

"Eskuwela kuwela to, dito'y enjoyable. Konting aral lang, konting bulakbol. Dito nang lahat madaldal at bulol, dito na nga. Iskul Bukol."

1 comment :

Do Oda said...

ahuhuh...